MENU
  • 1 of 2 Featured Banner
  • 2 of 2 Featured Banner2

“Walang Total Lockdown sa Camarines Norte Provincial Hospital”. Ito ang pahayag ni Dr Arnel Francisco, Acting Provincial Health Officer, matapos lumabas ang mga kuwentong dahil may pasyenteng nagpositibo sa COVID19 na kalaunan ay inilipat sa Labo District Hospital , ay lockdown na ang nasabing Pampublikong Pagamutan. Kasunod nito, humingi ng paumanhin si Dr Francisco sa ating mga kababayan na hindi natutugunan ang full services na kailangang maibigay dahil sa mga plano at estratehiyang pansamantalang ipinatupad, ang disinfection at decontamination ng mga kagamitan at pasilidad na hindi kayang gawin sa isang araw lamang sa CNPH. Tiniyak ng Acting Provincial Health Officer na maibabalik na sa normal ang mga serbisyo ng Pedia, Surgical, Medical at OB-Gyne Ward.

Samantala, sa kasalukuyan, may sampung (10) pasyente sa COVID19 Facility- ang Labo District Hospital. Naghihintay na lamang ng resulta ng swab test ang mga pasyente, kasama na ang reswabbing na isinagawa kay Bicol#61 (ang unang COVID19 positive case sa Camarines Norte)na taga bayan ng Labo. Buhay si Bicol#61 , ayon pa sa kay Dr Arnel Francisco na sya ring itinalagang Hepe ng COVID19 Facility, taliwas sa mga kumalat na kuwento na binawian na ito ng buhay.

Samantala, kahapon, May 13 (Miyerkules) sa isang panayam, inihayag ni Governor Egay Tallado na nakakaugnayan nya ang asawa ng pasyente sa pamamagitan ng tawag sa telepono. Muli umanong binigyang-diin ng Ginang na walang travel history ang kanyang asawa, hindi driver at bihira ring lumabas ng bayan na halos siyam na kilometro ang layo mula sa kanilang Barangay.Sa CNPH unang nadala ang biktima ng walang malay at dahil asymptomatic ito ay tumagal doon ng ilang araw.

Una nang sinabi ni Dr Francisco na sumailalim sa ilang pagsusuri ang pasyente tulad ng laboratory examination, x-ray at CT Scan, at doon natuklasan na may pneumonia ito.

Nabatid mula sa mga pahayag ng asawa na may history rin ng pag-inom ng alak at naninigarilyo ang pasyente, katunayan ay natulog umano itong walang kinain matapos malasing kaya’t ng sumunod na araw bago nadala sa hospital ay nanghina at nawalan ng malay.

Dahil sa ilang sintomas, sumailalim sa swabbing ang pasyente at pagbalik ng resulta mula sa DOH noong Lunes (May 11) ay nagpositibo ito sa COVID19.Ikinunsidera ng Provincial Health Office na ulitin ang swabbing sa pasyente at sa kasalukuyan at hinihintay na lang ang resulta nito.

Dahil sa insidente, nagsagawa na kahapon ng contact tracing sa pamilya ni COVID#61, mga nakasalamuha, mag-asawang dumalaw mula sa Jose Panganiban, Health Workers sa Camarines Norte Provincial Hospital at Labo District Hospital, kung nasaan ito sa kasalukuyan.Ang mga identified Health Workers ng ospital, ay hindi na pinauwi ng kani-kanilang tahanan, bagkus ay isolated na sa isang quarantine facility ng Pamahalaan.

Magugunita na noong araw ng Lunes, May 11, inihayag ni Governor Egay Tallado na nakausap nya ang DOH Regional Director na nagbigay sa kanya ng impormasyon na may positibong kaso na nga ng COVID19 sa Camarines Norte. Aniya, bahagi ito ng protocol na tanging DOH lamang ang magsasabi sa kinauukulang namumuno sa bayan o Lalawigan kung may positibong kaso sa isang partikular na lugar.

credits to www.facebook.com/CNPIO

Copyright © 2018 PROVINCE OF CAMARINES NORTE. All Rights Reserved.
Under the Administration of Community Affairs Office.
Developed by GYA