Nitong Marso 12, 2025, naging masigla at makasaysayan ang pagtitipon sa layuning palakasin ang kakayahan ng kababaihan at ang kanilang papel na ginagampanan sa pagpapaunlad ng komunidad, matagumpay na isinagawa ang panunumpa at pagtatalaga ng mga opisyales ng Kababaihang Kaaagapay sa Kaunlaran (KKK) sa 14 na Barangay sa bayan ng Vinzons na ginanap sa Covered Court ng Vinzons, Camarines Norte.
Pinangunahan ang nasabing aktibidad ni Gobernador Ricarte “Dong” Padilla na nagsilbing panauhing pandangal. Ang kaniyang presensiya ay patunay ng suporta at pagmamahal ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga inisyatiba ng mga kababaihan. Binigyang diin sa mensahe ni Gob. Dong ang mahalagang tungkulin na ginagampanan ng mga kababaihan hindi lang sa kanilang pamilya, kundi maging sa komunidad.
Ang Pamahalaang Panlalawigan ng Camarines Norte sa ilalim ng Administrasyong Padilla-Ascutia, katuwang si 2nd District Congresswoman Rosemarie Panotes ay patuloy na nakaagapay at nakasuporta sa mga adhikain ng KKK. Ang matagumpay na seremonya ay nagpapatunay sa patuloy na paglakas ng kababaihan sa bayan ng Vinzons at ang kanilang mahalagang kontribusyon sa pag-unlad ng bayan at ng lalawigan.
Article credits to: Camarines Norte Provincial Information Office