MENU
  • 1 of 2 Featured Banner
  • 2 of 2 Featured Banner2

Habang patuloy na tinatrabaho ng Pamahalaang Panlalawigan ang pangako nitong ilapit ang gobyerno sa tao at sa lahat ng sulok ng probinsya kalakip ang iba’t-ibang tulong, agapay at serbisyo, isang magandang balita ang nasaksihan ng Camarines Norte na siyang palatandaang patuloy na pinatutunayan ang kaganapan ng mga pangitain at pangarap ng kasalukuyang administrasyong Padilla-Ascutia.

Nitong ika-4 ng Setyembre 2023, ay pormal nang ipinagkaloob ang labing-isang (11) Barangay Emergency Rescue Vehicles sa mga opisyales ng mga barangay na unang makatatanggap ng biyayang sasakyan mula sa Provincial Government of Camarines Norte. Kasabay ng flag raising at pagbubukas na ng ika-123 Anibersaryo ng Philippine Civil Service nitong Lunes ay isinabay na ang pagpapabasbas at distribusyon ng mga sasakyan. Pinangunahan nina Gobernador Ricarte “Dong” R. Padilla at Bise Gobernador Joseph V. Ascutia ang pamamahagi ng mga sasakyan.

Kabilang sa mga napagkalooban ng unang batch ng mga Rescue Vehicle ay ang mga sumusunod na barangay:
1. Brgy. Maisog, San Lorenzo Ruiz
2. Brgy. Guinatungan, Basud
3. Brgy. San Jose, Talisay
4. Brgy. III, Mercedes
5. Brgy. Osmeña, Jose Panganiban
6. Brgy. San Pedro, Jose Panganiban
7. Brgy. Ubang, Capalonga
8. Brgy. Tabugon, Santa Elena
9. Brgy. Camambugan, Daet
10. Brgy. Fundado, Labo
11. Brgy. Malangcao-Basud, Labo

Bahagi ng pagbibigay ng rescue vehicles ay ang kasunduan ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga barangay na tumanggap na sila’y sasailalim sa serye ng mga training o pagsasanay upang ang mga barangay ay magkaroon ng sariling rescue team na siya namang pangunahing pangangailangan sa mga rescue vehicles na kanilang tinanggap. Ang mga training ay isasagawa ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO). Ang ganitong kasunduan ay bunga ng hangaring mas mapabilis ang pagreresponde sa mga emergency o sakuna, makatutulong ito pangunahin sa pagsasalba ng buhay ng ating mga kababayan nangangailangan ng agarang atensyong medikal at iba pa.

Sa pagbibigay mensahe ni Gobernador Dong sa aktibidad, aniya, “ang mga sasakyang ito ay hindi pag-aari ni Dong, hindi pag-aari ni Joseph, lalong hindi pag-aari ni kapitan. Ito po ay pag-aari ng taumbayan na dapat maglingkod sa bawat mamamayan, regardless of their political inclination. Hindi kailangan na ang mga gagamit nito ay ang mga bumoto at sumuporta lang kay kapitan. Ito ay bukas sa lahat ng mamamayan ng barangay lalo na sa panahon ng pangangailangan”. Dagdag pa niya ang nakatutuwang mensahe na asahan umano na mas marami pang barangay ang susunod na mabibigyan ng mga dekalidad na Barangay Emergency Vehicles.

Binigyang-diin ni Gobernador Dong na ang ginawa nilang batayan ni Bise Gobernador Joseph sa pagpili ng mga benepisyaryo ng Barangay Emergency Vehicles ay base umano sa pangangailangan at hindi sa kulay ng politika. Nakiusap rin ang gobernador na alagaan, pagmalasakitan ang nasabing mga sasakyan at ipagamit lagi’t lagi sa mga nangangailangan.

Sa aktibidad na naganap, lubos na mababatid ang pasasalamat ng mga Barangay Council na tumanggap sa kung gaano kalaking tulong ito sa kani-kanilang mga pamayana’t komunidad. Maaasahan naman ang katuparan ng pangako nina Gobernador Dong, Bise Gobernador Joseph at ng buong Pamahalaang Panlalawigan na umpisa pa lamang ang mga ito ng paghahatid ng mga mabisa, dekalidad at tunay na kapaki-pakinabang na mga proyekto’t serbisyo.

Credits to: https://www.facebook.com/piocamnorte

Copyright © 2018 PROVINCE OF CAMARINES NORTE. All Rights Reserved.
Under the Administration of Community Affairs Office.
Developed by GYA