Naghatid ng libreng serbisyong pangkalusugan ang Purokalusugan program sa mga residente ng Barangay Bagasbas, Daet, Camarines Norte nitong Biyernes, Mayo 30, 2025, simula alas-otso ng umaga hanggang alas-tres ng hapon sa Barangay Bagasbas Covered Court, Daet Camarines Norte.
Aabot sa sampung uri ng serbisyo ang inalok ng programa, kabilang ang: medical consultation, libreng chest x-ray, bakuna para sa mga sanggol at buntis, serbisyong pang-ngipin, check-up at laboratory para sa mga buntis, serbisyong pang-nutrisyon, family planning services, TB/HIV testing, wash services, at libreng gamot at maintenance para sa mga may high blood at diabetes. Samantala nagbigay din naman ng pagsasanay para sa mga Barangay Police ng road safety services.
Ang tagumpay ng nasabing programa ay bunga ng kooperasyon ng Camarines Norte Provincial DOH Office, lokal na pamahalaan ng Daet, Daet Rural Health Unit II na pinangungunahan ni Dra. Maria Theresa G. Cuenco, health volunteers, at Sangguniang Barangay ng Bagasbas sa pamumuno ni Barangay Captain Iluminado Abordo Jr.. Pinatunayan nito ang patuloy na pagsusumikap ng Department of Health na makapagbigay ng ligtas, de-kalidad, at mapagkalingang serbisyong pangkalusugan sa bawat komunidad sa buong bansa.
Inaasahan na magpapatuloy ang ganitong mga programa upang mas marami pang mamamayan ang makatanggap ng kinakailangang pangangalagang pangkalusugan. Isang malaking hakbang ito tungo sa isang mas malusog na Pilipinas.
Article credits to: Camarines Norte Provincial Information Office