MAINGAY, MASAYA AT PUNO NG MASIGLANG TUGTUGAN ANG CAT & DLC COMPETITION SA BANTAYOG FESTIVAL 2025!

Makulay, maingay at napakasigla ng naging tugtugan sa kakatapos lamang na 2nd Bantayog Regional CAT Parade and Silent Drill at 1st National Marching Band Drill Competition na isinagawa nitong ika-29 ng Abril, 2025 sa Daet, Camarines Norte partikular sa Provincial Capitol Grounds at Unang Bantayog ni Rizal.
 
Umaga pa lang, sa pagsikat ng araw ay dumagundong na ang ingay sa kalakhang bayan ng Daet ng mga kalahok sa nasabing kompetisyon. Sa Drum and Lyre Corps (DLC) Labing-siyam (19) na Secondary Schools ang kabuuang kalahok samantala, pito (7) naman ang mula sa Elementary Schools at pawang mga Marching Percussion Bands din. Sa kabilang banda, ay labing-anim (16) naman ang naging kalahok sa CAT Parade at labing-apat (14) rito ang kabilang sa Silent Drill Competition.

Sa kabuuan ay tatlumpu’t tatlong (33) mga paaralan ang nakiisa at nakisaya sa masiglang kompetisyong ito. Kabilang sa mga kalahok ay ang mga paaralang mula pa sa mga probinsya ng Albay, Camarines Sur at Quezon Province.

Ang parada ng mga kalahok ang nagsilbing palatandaan ng pag-uumpisa ng kompetisyon kung saan daan-daang mga kababayan natin ang nag-abang at nanood.

Ang gawain at aktibidad na ito ay bahagi ng nagpapatuloy na makulay na pagdiriwang ng ika-105 na taong pagkakatatag ng lalawigan ng Camarines Norte at ika-21 edisyon ng Bantayog Festival.
Share the Post:

Related Posts