Bilang isa sa gawaing opisyal na tanda ng pagbubukas at pagsisimula ng pagdiriwang ng ika-105 taong pagkakatatag ng lalawigan ng Camarines Norte at ika-21 edisyon ng Bantayog Festival, isinagawa nitong ika-21 ng Abril, 2025 ang Solidarity Parade 2025.
Tinatayang pitong libong (7,000) mamamayang Camnorteño ang masiglang nakilahok sa parada. Ang malaki, maingay at masiglang parada ang palatandaan ng pagsasama-sama at pagkakaisa ng mga mamamayang Camnorteño para bigyang-buhay ang kultura, tradisyon at pagkakakilanlan ng probinsya.
Nagsimula ang parada sa Eco Athletic Field na nagsilbi ring assembly area ng mga kalahok kung saan din isinagawa ang tradisyunal na pagpapaingay sa pamamagitan ng 21 Gun Salute. Binaybay ng parada ang kalakhang bayan ng Daet at pabalik sa Pamahalaang Panlalawigan ng Camarines Norte o sa Kapitolyo.
Ang Solidarity Parade 2025 ay pinangunahan nina Governor Ricarte “Dong” Padilla, Vice Governor Engr. Joseph Ascutia, Camarines Norte 2nd District Congresswoman Rosemarie Panotes kasama pa si Department Of Tourism – Bicol Regional Director Herbie Aguas at iba pang mga lokal na opisyal sa probinsya.
Kabilang sa mga kalahok sa parada ay ang mga Military and Uniformed Personnel Contingents, ROTC Units Philippine Navy, Air Force and Army Reserve mula sa iba’t ibang paaralan, Youth Volunteers and Scholars, Local Government Units (LGUs), Government Owned & Controlled Corporations (GOCCs), National Government Agencies (NGAs), Non-Government Organizations (NGOs), Provincial Government of Camarines Norte Offices, Bantayog Events Floats, Sponsor’s Floats, Barangay Rescue Vehicles/Patrol Cars, Volunteer Groups, Medical Groups at Motorcycle Groups.
Sa pagbalik ng parada sa kapitolyo, ay nagbigay muli ng mensahe sina Governor Dong Padilla at Vice Governor Joseph Ascutia kung saan pinasalamatan nila ang masiglang pakikilahok ng mga mamamayang Camnorteño at espesyal na pasasalamat sa mga kawani at mga katuwang na ahensya’t mga opisina sa pagkakaroon ng mapayapa at matagumpay na Solidarity Parade 2025. Binigyang-diin din ng Ama at Pangalawang Ama ng Lalawigan ang pagsasabuhay ng tema ng selebrasyon na “Bagong Camnorteño: Produktibo at Disiplinado.” Pormal na nagtapos ang gawain sa pamamagitan ng makulay at napakagandang Fireworks Display na lubos na ikinatuwa ng mga mamamayang Camnorteño.
Article credits to: Camarines Norte Provincial Information Office