Batay sa pinakahuling ulat ay pasok na ang Camarines Norte sa kategoryang 1st Class Province batay sa kasalukuyang Annual Regular Income nito na mahigit sa ₱2 Bilyong Piso.
Ang bagong classification ng Probinsya ay batay sa itinatakda ng RA No. 11964 na kilala bilang “Automatic Income Classification of Local Government Units Act”, kung saan batay sa Section 7, paragraph (1) ng Implementing Rules and Regulations nito ay nagsasaad na ang First Class Province ay dapat na mayroon itong Annual Regular Income na umaabot sa ₱1.5 Billion pesos pataas, kung saan lumampas na dito ang Provincial Government ng Camarines Norte.
Bahagi ng tagumpay na ito ay resulta ng pagsusumikap at dedikasyon ng Padilla-Ascutia Administration sa maayos at epektibong financial management. Ang pagkamit ng first class classification ay inaasahang magbubukas pa ng mas maraming oportunidad para sa lalawigan, kabilang na ang mas malaking pondo at suporta mula sa pambansang pamahalaan, na magpapabilis ng kaunlaran at pag-unlad sa iba’t ibang sektor dito sa lalawigan.
Ang balitang ito at kasalukuyang kalagayan ng lalawigan ay ikinatutuwa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Camarines Norte sa ilalim ng pamumuno ni Governor Ricarte “Dong” Padilla at Vice Governor Joseph Ascutia. Palatandaan ito ng mas maliwanag, magaan at magandang bukas para sa bawat mamamayang Camnorteño.
Article credits to: Camarines Norte Provincial Information Office